Pinipigilan ni Armando ang mga luhang kanina pa nangingilid sa kanyang mga mata. Matagal na niyang pinananabikan na makabalik ng Pilipinas, ngunit lagi siyang nakakahanap ng dahilan upang ipagpaliban ang pag-uwi. Ngayon, sakay ng Bapor Insulares, ‘di pa rin siya makapaniwala na isang trahedya ang magdadala sa kanya uli sa lupang sinilangan.
Patay na si Salve. Wala na ang kaisa-isang babaeng minahal niya.
Pagmamasdan ni Armando ang mga bote ng alak sa ibabaw ng mesita sa tabi ng kanyang higaan. Pawang wala nang laman ang mga ito. Naka-walong serbesa na pala siya. O, baka sa sobrang tapang ng alak, ay nadodoble lamang ang tingin niya at sa totoo’y nakaka-apat pa lamang siya. Ipipikit ni Armando ang mga mata. Wala na siyang pakialam kahit ilan pa ang nainom niya. Kung tutuusin, gusto pa niyang tumungga at isagad ang pagkalango. Kaya lamang ay ‘di na niya kayang tumayo upang kunin ang natitirang serbesa sa estante.
Babahain ang kanyang isipan ng mga alaala nila ni Salve, magkasama, masaya, nagmamahalan. Buhay na buhay ang imahe ng napakagandang mukha ng kasintahan - ang makinis at mala-sutlang kutis nito, ang mapupulang labi na laging nakangiti, ang matangos nitong ilong, at mga matang kung mangusap ay ubod ng lambing.
"Hihintayin kita," ang huling sinabi sa kanya ni Salve mahigit isang taon na ang nakakaraan. Ayaw tumigil ang pagdaloy ng luha sa mga mata ng dalaga. Halos madurog ang puso ni Armando. Kung ‘di lamang sa masidhi niyang ambisyon na makapag-aral sa Europa at maging instrumento ng Kilusang Propaganda para sa kalayaan ng Inang Bayan ay hindi niya iiwan si Salve.
"Babalik ako. Pangako." Pagkasabi nun ay lumulan na ng barko si Armando at ‘di na muling lumingon sa kanyang likuran. Marahil ay natakot rin siya na baka magbago ang kanyang isipan. Isang bagay na ngayon ay pinagsisisihan niya.
Lilipas ang magdamag. Lumulutang si Armando sa pagitan ng pananaginip at pag-alimpungat. Isang tinig ang tuluyang gigising sa kanya.
"Sir, I’m sorry to wake you up," boses yun ng isang babae. "We have landed in Manila."
Masisilaw si Armando sa liwanag na bubulaga sa kanyang pagdilat. Ilang sandali niyang aaninagin ang paligid. Nananaginip ako. Nasaan ako? Mga hilera ng upuan ang kanyang makikita. Wala ang kama, mga silya, at iba pang mga gamit sa kanyang silid sa Bapor Insulares. Titingalain niya ang babaeng nakatayo sa kanyang harapan. Hindi niya ito kilala.
"Sino ka?" usisa ni Armando sa babae. "Ano’ng ginagawa ko rito?"
"You’re in Manila, Sir," sagot nito sa kanya. "You’re home."
Didiretso ng upo si Armando. Sa unang pagkakataon ay mapapansin niya ang sariling kasuotan. Napalitan ang kanyang itim na pantalon ng asul na maong. Ang damit niya ay nagbago rin. Sa kandungan niya ay nakapatong ang isang dyaryong nakatupi. May kung anong pwersa ang magtutulak sa kanya para damputin yun at suriin.
Ang petsa sa unang pahina ang gugulantang sa kanya: May 22, 2006.
Isa itong malaking kalokohan! Mayo Bente Dos ngayon. Pero mali ang petsang ito.
Taong 1886 pa lamang!
(Itutuloy…)